Takdang-Aralin: Paghahambing kay Halperin at Garcia

Sa sanaysay ni Halperin na “How to do the History of Male Homosexuality”, mapapansin ang isang analitikal na pagsusuri, na nakausagat sa sikolohiya at ang mahabang kasaysayan ng pakikipagrelasyon ng mga Kanluranin sa isa’t isa. Binalikan niya ang kaugalian ng pederastiya sa Gresya at Roma, upang gamiting pangunahing ebidensya ng homosexualidad sa lipunan. Subalit hindi siya natatapos doon: hindi lamang ito basta-basta kasaysayan, kundi mga kasaysayang inilathala ng mga historyador na lalaki (at kailangan itong tandaan upang higit na mauunawaan ang magaganap na paghahambing). Mapapansin ding higit niyang pinagtuunan ng pansin ang kategorisasyon: na may mga uri ng ‘other gender’ sa paglaon ng panahon. Naging esensyal ngayon ang mga ebidensya upang maging tama ang kanyang mga pagpapalagay sa kung ano o sino ba ang bakla sa bawat bahagi ng mga kasaysayang ito.

Sa kabilang banda, nakatuon naman si Garcia sa isang espirituwal na pagbabasa ng pagkabakla: nakaugat ang lahat sa mga “Precolonial Gender-Crossing and the Babaylan Chronicles”, kung saan ito ang naging moda ng pagtingin sa pagkabakla bago pa pumasok ang dayuhan o Kanlurang impluwensya. Sa bagay, nakasanayan ng ating prekolonyal na kultura na sambahin ang kababaihan, bilang sila ang nagluluwal ng mga magiging mamamayan ng komunidad, at naghahatid ng buhay. Sa pagtingala sa mga babae bilang espirituwal na pinuno, nais ng mga kalalakihan na maging babae rin kapag mamumuno sa mga gawaing espirituwal. Ayon kay Garcia, dito unang umusbong ang ebidensya ng cross-dressing, na kapag higit na kawangis ng isang lalaki ang isang babae, higit siyang napapatawan ng kapangyarihan.

Kung pag-iibahin natin sa ganitong aspekto ang dalawang pagsusuri, hindi nakapagtatakang isinilang ang napakaraming kasaysayan ng pagkabakla sa Kanluran ng mga lalaki, subalit higit na personal na karanasan ang pinaghuhugutan ng kasaysayan ng pagkabakla sa Filipinas sapagkat mga babae ang namumuno sa mga rituwal. Mapapansin ding external ang paggamit ni Halperin sa kanyang mga pananaliksik upang mapagtibay ang kanyang pagbabasa at pagtatangkang gumawa ng kategorisasyon. Sa kabilang banda, umuusbong mula sa panloob na mga aspekto ang lokal na bersyon ng ating pagsasakasaysayan ng pagkabakla. Hindi sa pagbibihis o sa pagkilos nakabatay ang pagkabakla (tulad ng konsepto ng performativity ni Butler) kundi isang panloob na pagtatangi o ‘psychosexual inversion’ na nais ibida ni Garcia sa mga pagbasa niya sa maagang kasaysayan ng pagkabakla.

SANGGUNIAN:

Halperin, David M. “How to Do the History of Male Homosexuality.” GLQ: A Journal of Lesbian and Gay Studies. Volume 6, Issue 1. Durham: Duke University Press, 2000.

Garcia, J. Neil. “Pre-Colonial Gender Crossing and the Babaylan Chronicles.” Philippine GayCulture. Quezon City: University of the Philippines Press, 1996.

Bagong (Retokeng) Bayani

Sa pagsusuri ni Isagani Cruz sa kung anu-ano ang mga anda ng isang epiko, lagi’t laging may pag-alis na kailangang mangyari. Sa pelikulang “Miguel/Michelle” (1998) na pinagbibidahan ni Romnick Sarmienta, nangibang-bansa siya dala-dala ang pakay niyang maging higit na malaya. Bagaman idinahilan ni Miguel magtatrabaho siya, nag-iba nang tuluyan ang pagtingin sa kanya ng kanyang iniwan na pamilya nang magpapalit siya ng ari at kasarian.

Isang malaking sampal ang sinapit ng pamilya nang umuwi si Miguel, na naging Michelle. Hindi kasi katanggap-tanggap (at marahil totoo pa rin ito sa marami pang mga pamilya rito sa Pilipinas) ang sex change o pagiging transexual. Sa kaso ng pamilya ni Miguel, higit itong naging isyu sapagkat relihiyoso sila, at madalas nagiging isponsor sa mga misa at prusisyon ng bayan. Kung may higit mang katuturan ang naging tema ng sampayan sa koleksyon ng mga blog post na ito, mapapansing sa iisang eksena ni Tinang (Gloria Diaz), iniiyakan niya ang sampayang napupuno na ngayon ng mga damit pambabae ni Michelle. Tuluyan na siyang nawalan ng anak na lalaki. Kung ganito kagulo ang situwasyon buhat nang umuwi si Michelle, anong kabayanihan ngayon ang pinagsasabi ko?

Kung may kapangyarihang taglay man ang pagbabagong-anyo ni Michelle, ito na siguro ang kanyang sandata upang gapiin ang kasamaan ng diskriminasyon. Bilang bayani, maaaring tingnan ang akto ng pagpapalit ng ari bilang pagbabagong-buhay at pananaw. Marami man ang nabigla, higit na idiniin ng pelikula ang unti-unting proseso ng pagtanggap at pakikisalamuhang-muli ng isang lalaki talagang naging binabae. Wala na tayo sa usapin ng effeminacy o invert, sapagkat napantayan na ng pagkababae sa labas ang pagkababae sa loob ng isang lalaki. Hindi na nga dapat pag-usapan ang pagpapanggap sa puntong ito, sapagkat naging desisyon na ng bayolohikal na lalaki na baguhin na niya ang kanyang kasarian — sa isang permanenteng paraan. Paano ngayon naging epektibo ang ganitong kapangyarihan sa iba pang mahahalagang tauhan?

Sa kaso nga ng magiging mag-asawang sina Julio (Cris Villanueva) at Sonia (Mylene Dizon), nakatulong nang mabuti ang interbensyon na ginawa ni Michelle upang maamin na ng una sa huli ang kanyang pagkabakla. Ginamit niya ang pang-aakit ng dalawang sexy dancer upang matasa kung bakla nga ba talaga si Julio o hindi. Dahil dito, hindi na naikaila ni Julio ang kanyang tunay na nararamdaman. Kung gayon, nakalas na ang panloob na suliranin sa pagitan ng magiging mag-asawa. Kung may kabayanihan mang ginawa si Michelle, iyon ang pagpigil niya sa relasyong itinatag dahil lamang sa takot na mahusgahan ng ibang mga tao. Naging inspirasyon ngayon ang isang transexual upang mabura ang nosyon ng heteronormativity sa mga taong hindi naman dapat nakararanas nito. Bongga ‘di ba?

Kung sa bagay, modernong paglalapat at pagtatantsiya na lamang ang ganitong pagsusuri: hindi naman nakasandig sa kabuuang balangkas ng isang tradisyonl na epiko ang kuwento ng pelikulang ito — maaaring hindi nga ito ang tunay na intensyon. Maaari kong ipilit ang pagsingit ng iba’t iba pang mga anda ayon sa mga situwasyong inilatag ng pelikula para sa atin. Subalit, hindi nga ba sa kabila ng mga ito, nabubuo ang naratibo ng isang bayaning nakatuon sa paglutas sa mga problemang panloob ng kanyang mga mamamayan? Si Michelle marahil ang bayaning inialay ang kamatayan ng kanyang pagkalalaki (at literal na pagreretoke at pagpatay sa orihinal niyang ari!) upang mapatunayang wala sa pagpapalit ng kasarian o ari ang pagpapakita ng katapangan at katatagan. Isinusulong niya ngayon ang pagtatagumpay ng pagkakapantay-pantay: walang nakahihigit na uri ng kasarian.

Kalakaran

Naging sentral sa kuwento ni Iliac ang kanyang mga paa sa pelikulang sa “Masahista” (Brillante Mendoza, 2005). Ipinanlakad, tinapakan, hinugasan, naghangad na suotan ng bagong rubber shoes na hindi na natupad ng kanyang amang yumao na. Naging simboliko ang mga paang ito sapagkat may nakatagong naratibo sa bawat paghakbang at paghinto.

Kung may kinalaman man ang paa sa kanyang estado, ginamit niya ang mga ito upang lumayo sa kanyang pamilya at lumapit sa kanyang trabaho, alang-alang sa pagbuti at pag-usad ng kanilang kalagayan. Ngayong patay na ang ‘pagkalalaki’ sa kanyang pamilya, inaako ngayon ni Iliac ang responsabilidad na maging haligi ng tahanan sapagkat siya na lamang ang natitirang lalaki.

Dahil sa suliraning ito, nais kong simulan ang ilang mga ideya tungkol sa pelikula na maaaring humantong sa pagpapatuloy ng kasaysayan ng pagtatanghal ng pagkabakla ayon kay J. Neil Garcia. Tinapos niya ang deka-dekadang kabanata sa isang prologo: ang balintuna ng pagsisimula pa lamang ng higit na malayang paglaladlad ng mga bakla sa wakas ng kanyang pagsasaliksik. Bilang personal na obserbasyon, nais kong ilunsad ang pagsusuri sa unang dekada ng bagong milenyo sa kung ano ang mga pinaksa ng dekada ’90. Tulad ng “Pusong Mamon”, higit na nakatuon ang mga pelikulang ito sa mga personal na relasyon ng mga bakla sa isa’t isa, at hindi na nila kinakailangang magtago pa. Sa nagdaang dekada, bumalik muli sa dilim tulad ng mga spa at massage center ang mga bakla. Sa napakabilis na pagdaloy ng impormasyon bunsod ng teknolohiya ng Internet at mass communication, unti-unti nang lumalabnaw at naglalaho ang mga naitakdang personal na relasyon. Hindi na matukoy kung sino talaga ang bakla, at kung magkaaminan man, mayroon pa ring tendensiya na mapahiya sa lipunang hindi pa rin naman nagbago sa pagiging heteronormatibo. Upang balikan ang simbolismo ng paa: isang halimbawa ng pananakop ng kabaklaan ang naging ‘kalakaran’ ng patriarkiya at pagiging tuwid.

Dahil patay na nga ang ‘tunay na lalaki’, ang ama ni Iliac. Pinalitan na siya ng isang bakla: si Alfredo (o kilala rin sa tawag na Marina Hidalgo) na nagbibigay-sustento sa kanya — pamasahe kapalit ng pamasahe. Wala nang bakla-sa-baklang relasyon sa ganitong kaso, sapagkat isang transaksyon na lamang ang anumang paghahangad o pagnanasa. Ni hindi nga maipamigay ni Iliac kay Alfredo ang kanyang halik sapagkat nakalaan ito sa isang relasyong heteroseksuwal: para lamang ito sa kanyang girlfriend. Kung gayon, hindi na naging pamantayan ang pakikipagtalik sa kapwa lalaki upang masabing bakla na nga ang isang masahista/bayaran. Subalit pansinin kung papaanong nakokontrol na ngayon ng isang bakla ang kanyang situwasyon: siya na ang may pera, siya na ang may kayang humindi at tumanggi. Kung sa bagay, sa isang bahagi ng pelikula, inirerebisa at sinasalungat parati ni Alfredo ang anumang ikuwento ni Iliac. Idinidikta na ng tulad niyang bakla ang anumang nais niyang ipagawa at maranasan.

Sa dominasyong ito, nasa paanan pa rin si Iliac: siya ang pinagpaparausan, siya ang kinakailangang gumalaw upang maginhawaan ang mga baklang tulad ni Alfredo. Kung kaya’t hindi nakapagtatakang ibinabatay na ang kabaklaan sa estadong ekonomiko: kung sino ang mahirap, siya dapat ang magtanghal ng pagkabakla. Siya dapat ang mag-alok ng serbisyo, at siya dapat ang magtiis para makaraos. Hindi nga ba’t dahil sa mga pelikulang ito (kaalinsabay na rin ang mga pelikulang tulad ng “Macho Dancers”) naging popular na paksa ang mga feminized economies (cf. Rolando Tolentino)? Hindi ba dahil sa pagnanasang dala ng pagkalalaki, sila na mismo ang nagsisilbing obheto ng pagnanasa? Ikinakaladkad na ng kanilang mga kalagayan ang ano ang kayang nilang baguhin sa kanilang identidad.

Sa huli, nagpatuloy pa rin ang kalakaran. Kung sinuman ang pumasok sa madilim masahihan, siya rin ang muling papasok upang maipagpatuloy ang trabaho. Sa mga kagaya rin ni Iliac, babalik at babalik sila sa isang ‘aquarium’, hinihintay na mabingwit ng mga baklang may higit nang kapangyarihan sa kanila.

Kabayo o Mamon?

Hindi naman siguro lingid sa atin ang tipikal na pagpapangalan ng mga nabuhay noong 80s at 90s sa mga pelikulang may pornograpiko, heterosexual o homosexual na elemento, at nagpapatuloy ito hanggang ngayon. Kung hindi itlog, pinya. Kung hindi talong, isda. Pansinin nating nagiging makahulugan ang mga imaheng ito bilang pangunahing bagay na iyong makikita sa isang poster. Sa kaso ng “Petrang Kabayo” at “Pusong Mamon”, lumabas ang iba’t ibang uri ng interpretasyon sa kanilang paghahambing, at sa kung papaano sila nakaposisyon sa kani-kanilang dekada.

larawan mula sa moviedeck.blogspot.com

larawan mula sa moviedeck.blogspot.com

larawan mula sa bidakapamilya.blogspot.com

larawan mula sa bidakapamilya.blogspot.com

Matatag na Kabayo, Malambot na Mamon

Nakakulong sa isang matinding sumpa ng pagiging kabayo si Petra, sapagkat ayaw lamang ng kanyang ama sa mga kabayo. Kung gayon, pinagdurusahan ni Petra ang problema ng patriyarkiya, at siya ang kinakailangang ialay upang makita ng ama ang kanyang pagkakamali. Maaaring dito pumasok ang usapin ng obligasyon sa konteksto ng bakla at straight. Kinakailangan pang magpakabayani ng isang bakla upang mapansin ang kanyang mga gawa? At ginamit nga niya ang pagkakataong ito upang may mapatunayan niyang may magagawa niya ang imposible sa gitna ng pagkasadlak sa sumpa.

Sa kabilang banda, lumambot ang pagtrato ng lente sa mga bakla, bunsod na rin ng paunti-unting pagtanggap sa mga relasyong homoseksuwal. Sa kaso ni Annie, at ang desisyon niyang manghimasok muli sa buhay ni Ron ang naging ugat upang mabuksan ang suliranin ng paglulugar niya sa isang maayos na homoseksuwal na relasyon. Dahil dito, lubos man ang naging pag-iingat ng dalawang bakla sa estado ng kanilang relasyon, unti-unti silang nabibisto. Sa pelikulang ito, wala nang patutunayan pa ang mga bakla, kundi ipapakita na lamang nila ang kanilang pagkalambot upang makapamuhay nang maayos sa isa’t isa.

Ang Kabayo, Sinasakyan; Ang Mamon, Pinaghahatian

Malaki rin ang ambag ng mga imaheng ginamit sa dalawang pelikulang ito upang ipakilala sa atin ang kabaklaan sa kanilang panahon. Kung ang mga kabayo, simbolo ng kalakasan ng tindig ngunit sa isang paraan din, pinagmumulan din ito ng mga mitolohiya ng pantasya at pangarap. Nang sa gayon, nabubuo ang naratibo ng bakla noong dekada ’80 sa paghahanap ng katatagan upang malagpasan nila ang kanilang situwasyon. At sinasabi kong mainam na gamitin ang “pagsakay” bilang galaw sapagkat lagpas sa usapin ng paglaya at pagtakas, naroon din ang pagbabalikwas ng ugnayang pangkapangyarihan. Napapasakamay na ng mga bakla ang kanilang karapatan sa kanilang mga kinagagalawan.

Sa kabilang banda naman, kaya nang talakayin ng mga pelikulang tulad ng “Pusong Mamon” ang mga talakayan tungkol sa pag-ibig sa pagitan ng mga bakla. Sa antas na ito ng pagbubunyag, maaaari nang ibahagi ng mga baklang nasa relasyon ang kanilang mga buhay sa loob ng pagtatago ng kanilang tunay na identidad. Hindi rin nga ba akma, sa pagsusuri ni Garcia sa mga dekadang ito, na rito na siya huminto, at nagsimula nang gumawa ng prologo para sa ating dekada? Unti-unti nang nagiging handa ang komunidad sa malawakang pagbabago dulot ng teknolohiya. Naging mahalaga ngayon ang mga ganitong pagkakataon, ang makapaglatag ng ganitong lunsaran upang mapansin ng lahat ang nagaganap sa kanilang pagbabanyuhay.

Ilang Huling Tala: Ang Pag-iskape, Ang Pag-ubos

Tiyak ngang pasok ang malaking paghakbang ng mga kabayo sa naging galaw ng dekada ’80 patungo sa dekada ’90. Sa mga aktor na tulad ni Roderick Paulate na kilala sa kanyang aura ng “screaming faggot” na bakla, napalitan ito ng mga bruskong katawan nina Eric Quizon at Albert Martinez. May matinding transformasyon sa pagitan ng dalawang ito ayon sa anyo at nilalaman. Hindi na kailangang makipagsigawan pa si Petra sa konteksto nina Ron at Nick sapagkat kontento na sila sa kanilang espasyo bilang magnobyong bakla. Nakapaghanap na sila ng paraan upang makatagpo ng kapwa nila bakla, kaysa maging malayo ang pagtingin sa mga lalaking hindi rin naman sila tatanggapin/kakainin.

SANGGUNIAN:

Garcia, J. Neil. Philippine Gay Culture. 2nd Ed. Quezon City: University of the Philippines Press, 2008.

larawan mula sa abs-cbn.com

The Bottomline: Facifica Falayfay vs. Don Benito

Para sa round na ito, gumamit tayo ng sagutan. Marahil higit na mauunawaan ng ating mga manonood kung sinong bakla ang mas nais nilang panoorin! Hala, simulan!

larawan mula sa abs-cbn.com

larawan mula sa abs-cbn.com

SUSUNOD!

69FACIFICA FALAYFAY1

vs.

Tubog-sa-Ginto-ad-bw-2

Magtutuos sa isang harapang interview. Bakla sa bakla! Abangan!!! Sa THE BUZZ!!!

1. Anong klaseng bakla ka?
Facifica: Alam kong hindi ako dapat nagpapaniwala sa mga kapitbahay ko, pero… baklang-bakla raw! Screaming faggot daw! Pero ewan, nang makilala ko ang babaeng nagpatibok nitong heart ko. Chos!
Don Benito: Shhhh! Huwag ka ngang maingay! Baka marinig ka ng asawa ko… Ayan, alam na niya. Ikaw kasi!

2. Kung may gaganap sa iyo sa pelikula, sino ang pipiliin mo?
Facifica: Si Dolphy, of course, sumalangit nawa. Nakailang pelikulang bakla ang role niya ha. Kumakabog!
Don Benito: Si Eddie Garcia. Alam ko kailan lang ulit siya bumalik sa pelikula bilang bakla. Sa “Bwakaw”? At saka, ayaw ko ngang basta-basta lang akong pinaggaganapan ng iba!

3. Mga girls, paano ninyo nalamang bakla kayo?
Facifica: Hay naku! Para kang kapitbahay namin, mapanlait. Hindi ako bakla, ha, babae ako. Hinarana nga ako kagabi ng mga kapatid ko, ano? Simula kasi pagkabata, sawa na ang nanay ko sa mga anak na lalaki. Kaya, cha-ran! Babae ako!
Don Benito: Anong bakla? Sapakin kaya kita. Eh, hindi ako makontento sa asawa ko eh. Ano naman ngayon kung kasal kami? Masaya ba ako sa kama? Matagal ko nang inililihim ‘to, pero lagi kong gustong may makilalang lalaki. Pinagnanasaan ko sila. Pero tulad nga ng mga lalaki, mga traydor din!

4. Kumusta kayo ngayon ng mga asawa ninyo? Pero ‘di ba mga bakla kayo, este, kung anuman ang tawag ninyo sa mga sarili ninyo?
Facifica: Ito, masaya naman. Dahil nga sa kanya, natanggap ko nang maging Pacifico.
Don Benito: Ito, hindi na tinanggap ni Emma. Nalaman pa niya sa iba. Aba, bahala na siya.

5. So, nakailang boys na kayo?
Facifica: Kung manliligaw, oo, tatlo, pero kung nasiping, wala! Parang wala naman silang ka-epe-epek! P#@$%K!
Don Benito: Ako? Si Diego, pero tinraydor niya ako. Biruin mo, blackmail? Gusto lang niya akong matikman.

6. Sa tingin ninyo, kung naging pelikula kayo, tatanggapin kaya kayo ng audience ninyo?
Facifica: Puwede pa naman. Alam kong asal-babae ako, pero binago pa rin nga ako ng asawa ko. Kaya hindi naman siguro masamang ikuwento ang kuwento ko. Sa huli pa rin naman, hindi ko naman sila tinuturuang maging bakla, nagpapatawa lang ako, at basta sundin ng mga tao ang gusto nila sa buhay, ‘yun lang ang nais kong iparating.
Don Benito: Sa akin, nakabibigla lang sa ilan, kasi alam naman nilang may reputasyon akong pinangangalagaan, pero kung hindi nila ako gusto, baka siguro panahon na rin sa mga nagtatago sa kani-kanilang tukador ang mga bakla diyan. Kung may pagnanasa sila sa lalaki, maging malaya sila. Tingnan mo ang nangyari sa akin.

Maraming salamat, Facifica, este, Pacifico, at maraming salamat din, Don Benito, at pinaunlakan ang aming hiling na kapanayamin kayo. ABANGAN! PETRANG KABAYO AT PUSONG MAMON, MAGTUTUOS!

mqdefault[1]

Sister Jack and Brother Jill

Narito ang poster ng “Jack en Jill” na idinirehe ni Mars Ravelo na nailabas noong 1954:

Jack_and_jill_film_poster

2011 na ‘to, gurl. Masyadong advanced! Bakla nga pero iisang Hollywood actor lang ang gumanap. Eto talaga ‘yon eh:

IMG_0737.JPG.scaled500

Nais kong maging lunsaran ang nakasulat sa ibabaw ng poster upang magbigay-diin sa mga puntong nais kong talakayin, lalo na sa naging kategorisasyon ni Halperin, kung saan nabibilang ang mga bakla sa pelikulang ito. Ang sabi sa taas:

Tra-la-la! Tra-la-la!
Sister Jack and Brother Jill
went up the hill
to fill you up with laughter
But Jack fell down and broke her kuwan
At si Brother Jill ay biglang napasigaw–
Hoy Sister! Ano ba ‘yan!
Ha-haha-ha! Ho ho!

Ang “Kuwan” at Ang “Crown”

Kung may simbolismong nais ihatid ang sipi mula sa poster, marahil ito ang pagpapalit-anyo ng identidad ng simpleng salitang “kuwan” upang ipakita ang kakatwa ng tauhan, na kinakailangang maging lihim lamang sa pagitan ng magkapatid. At marahil bahagi na rin ng karanasan sa mga nakatutunghay ng kabaklaan ang pagkamausyoso: Ano ba ‘yan! na para bang paanyaya sa mga manonood ng pelikulang ito kung bakit nagkabaliktad ng orientasyon ang dalawang pangunahing tauhan.

Gamit ang pagsusuri kay Halperin, mapapansing “emasculate” si Benita (Brother Jack). Nais kong gamitin ang termino sapagkat isa itong pagtutumbas sa tinatawag ni Halperin na “effeminate”, ang lalaking nag-aastang babae. Si Goryo (Sister Jill) naman, na mahalagang tawaging “Glory” sa pagsusuring ito, ang “invert” na nabibilang sa mga lalake sa panlabas ngunit babae sa kanilang ugali, kilos, o anumang panloob. Kung babalikan ang sipi, napalitan ang salitang “crown” mula sa orihinal na nursery rhyme, na orihinal na nahulog ni Jack, isang lalaki. Kung susundan ang simbolismo, may nabasag na pagkalalaki: maaaring ang desisyong bumigay ni Goryo upang maging Glory, o sa kaso ni Benita/Itoy, ang pagbabalatkayo ng salitang “kuwan” upang matakpan ang “crown” na wala naman doon.

mqdefault[1]

mula kay user tjbedista ng youtube.com

Higit pang magiging masalimuot ang dinamikong ito sa pagiging bahagi ni Gardo sa eksena. May mga mahahalagang elemento sa pelikula ang nagpapakita ng halagahan ng lalo pang pagpapalit. Maaaring pansinin sa mababaw na antas, na ginamit nila ang ganitong pagbalikwas sa orientasyon upang manilbihan sa tinitirhan nilang bahay ni Gardo. Upang magampanan ni Benita ang kanyang tungkulin, tinuluyan na niyang mag-astang lalaki bilang Itoy upang mapalitan ang kanyang amang si Mang Ambo. Kinailangan ding lumabas ang pilantik at manamit-babae ni Glory upang  mapagtagpo niya ang kanyang loob at labas. Kung nakakaya nilang magpanggap bilang drayber ni isang sigang lalaki o bilang “totoong” anak na babae, marahil natakpan o napalitan na nga ng “kuwan” ang korona ng patriyarkiya. Nagagawa na nilang linlangin, bilang mga bakla, ang sinumang nakatataas sa kanila, lalo na sa isang among lalaki.

Subalit, sa kabuuan ng pelikula (marahil hindi na ganoon katalab ang tradisyonal na komedya at biro matapos ang ilang dekada), naging pagpapatawa lamang ang naging pakay ng ganitong banghay. Ang mga lihim na itinatago ng bawat karakter sa kani-kanilang pinagsisilbihan ang naging mitsa ng muling “pagsasaayos” ng kanilang orientasyon. Wala na akong ibang masabi sa dulong bahagi ng pelikula kundi:

“Ay? STRAIGHT KAYO? Bakit biglaan?”

Ngunit, sa pagsasakonteksto ng pelikulang ito, hindi malayong ganito ang “kinakailangang” ipalabas sa mga tao. Sapagkat higit itong nakaangkla sa paksang pangkomedya, at pumangalawa lamang ang usaping pangkasarian. Bagaman, natalakay kanina ang mga pangangailangan ng pagbabago ng kasarian, dahil lamang sa huling bahaging ito, inihahatid tayo pabalik sa realidad, na heteronormatibong lipunan pa rin ang ginagalawan ng mga tao matapos panoorin ang pelikula. Para bang isang produksyong fantastiko ang lahat at inilugar muna tayo sa isang sitwasyon ng kabaklaan, pagtawanan ito, at bumalik muli sa pagiging straight.

SANGGUNIAN:

Halperin, David M. “How to Do the History of Male Homosexuality.” GLQ 6:1(2000): 87-124.

kuha mula sa clickthecity.com

Sa Iisang Tahanan

Ang Loob at Labas ng Baklang Magulang sa “Ang Tatay Kong Nanay” (1978)

Malaki talaga ang kinalaman ng pagkabata sa kung sino ang isang tao ngayon. Kaya nagiging unang pangangailangan ng anumang pamilya ang pagpapalaki sa mga anak, sapagkat dadalhin nila ang ang anumang itinuro ng kanilang mga magulang. Sa orihinal at natural na estruktura ng bawat pamilya, naroon dapat ang amang haligi at inang ilaw ng tahanan. Kung wala ang mga ito, walang matibay na suporta o tanglaw ng pagmamahal. Cheesy naman. Pero totoo, at hindi ba wari napakalaking kasalanan ang iwan ang (mga) anak at ihabilin sa pag-aaruga ng iba? Paglaon, madadamay ang mga bata sa suliraning hindi nila ginawa at wala silang magawa sapagkat nagsisimula pa lamang silang intindihin ang lahat.

Ganito ang lunsaran ng suliranin ng pelikula ni Lino Brocka, “Ang Tatay Kong Nanay”. Iniwan ni Dennis (Philip Salvador) ang kanyang anak na si Nonoy (Niño Muhlach) sa piling ni Coring (Dolphy). Pansining wala ngang pamilya o tahanang maituturing sa puntong ito sapagkat wala o mahina ang haligi. Hindi kayang buhayin ni Dennis si Nonoy. Pundi, kundi wala, ang mismong ilaw ng tahanan sapagkat ipinakilalang hostess lang pala ang nanay ni Nonoy. Ipapasa ang responsabilidad ng pagpapalaki ng bata, o sa higit pang malaking pakay, ng pagtataguyod ng pamilya at pagbuo ng tahanan kay Tita Coring na ipinakikilala sa atin bilang isang baklang parlorista.

kuha mula sa clickthecity.com

kuha mula sa clickthecity.com

Bago pala ang lahat: oo, nagulat ako na ito na pala
‘yong nagtitinda ng ensaymada sa mall ngayon! Anyare?

EH ANO NAMAN?

Dito papasok ang diskurso ng pag-iisa: iisa at mag-isa lamang ang nag-aasikaso sa bata, at nasa iisang katawan at personalidad ang parehong nanay at tatay. Inamin at ipinagmalaki ito ni Coring nang tanungin siya kung sino ang magulang ni Nonoy. Binubuksan ngayon dito ang malaking tanong: kaya bang pangatawanan ng isang bakla ang  pagbuo ng pamilya?

kuha mula sa clickthecity.com

kuha mula sa clickthecity.com

Paano na siya ngayon magba-backless?

Keri ba ng beki ang family? Ang sagot ng pelikula hanggang sa huling bahagi: oo.

Kitang-kita sa pelikula ang mga epekto ng mga puwersa ng kaloobang pansarili (ni Coring) at ng panlabas na lipunan matapos magtagpo siya at si  Nonoy. Ginamit ng ilang eksena ang tensyong ito upang patingkarin ang mga katangian at pagpapahalagang kinakailangang isuko o tanggapin sa paglaon ng kuwento. Higit na nakabaling sa salimuot kaysa saya ang mga eksenang ito, bagay na katangi-tangi para sa isang pelikulang pinagbibidahan ng isang komedyante. Parang bang may pagbabaliktad o pagbabago ng emosyon sa sandaling bakla na ang bida. Para rito, pagtutuunan ko lamang ang mga eksenang may kinalaman sa pagpapalaki ni Coring kay Nonoy. Narito ang ilan:

Sayawan, Kantahan, at Pagandahan

kuha mula sa clickthecity.com

kuha mula sa clickthecity.com

Si Senorita Spain at ang kanyang sentimental speech

Kung sa isang palabas lamang maipapakita kung ano ang niloloob, wala nang iba pang bobongga pa sa pagbubuklod ng mga bakla sa plaza upang magpatalbugan. Hindi lamang ng mga costume at kolorete, kundi pati na mismo ang kanilang mga kilos na dapat kitang-kita ang pagkababae nila.  Nakagisnan ni Coring ang ganitong pamumuhay, nang walang sinumang madadamay. Kaya naman nang dumating si Nonoy, dumalang siya sa pagdalo hanggang sa hindi siya makatiis at naging sanhi ng pagkabuko ng kanyang identidad, na kinakatakutan na niyang inilabas sapagkat sa tingin niya, hindi na magiging inosente o disente ang tingin ng bata sa kanya. EH BAKLA RAW KASI? Pero nakapagtataka namang pati bata, alam na agad-agad. Pagdating din sa huli, representing  Ms. Spain, naipahayag din niya ang kanyang saloobin tungkol sa ipinapalabas na pangmamaliit ng lipunan sa kanya. Ngunit para hindi ganoon kalalim at nakalulungkot ang ending, nakahugot naman siya ng joke sa huli. Para palabas pa rin ang lahat sa kabila ng dramang dala ng loob.

Si Coring at ang Kanyang House of Beaute

kuha mula sa clickthecity.com

kuha mula sa clickthecity.com

Sa madilim niyang kuwarto, siya’y nagbabagong-anyo

Sa isang banda, malaya ang kanyang kalooban. Hindi siya mahihiyang magsuot ng peluka at kolorete. Malay siya sa kanyang kabaklaan, at napakikinabangan niya ito sa kanyang pamumuhay. Paglabas, alang-alang sa kahihiyang maidudulot nito kay Nonoy kung sakali, napipilitang magpakalalaki si Coring para lamang maging maayos ang imahen niya bilang “ama” ng bata. Nakalulungkot na kinakailangan pang itago ni Coring ang kung anumang nais ilabas ng kanyang kalooban. Kaya naman dito ko hinahangaan si Brocka bilang direktor: unti-unting lumilitaw ang henyo sa maliliit na detalye, ultimong tono ng pananalita ni Coring, napapalitan kapag nag-iiba na rin ng lugar ang eksena. Kinakatawan ng House of Beaute ang macrocosmos ng buhay ni Coring.

Boxing, Baril-barilan, Batang American-Indian

kuha mula sa clickthecity.com

kuha mula sa clickthecity.com

Matapos ang eksenang ito, pinagtawanan sila ni “Ninong” Bading.

Sa pag-unlad ng kuwento, inako na rin nga ni Coring ang kanyang pagkatatay, kinakailangan niyang gampanan ito nang may tigas. Magpapakalalake ngayon ang bakla. At nagpatawanan nga nang magsuot siya ng mga guwantes, at sinasaway ang kanyang anak-anakan kapag nanggugulo ng ibang bakla o costumer sa kanyang salon. Magpapatuloy lamang ang (hetero)normal na buhay ni Nonoy kung siya rin ang aayon sa pagkanormal. Kaya isa sa pinakamahalagang eksena ang paglalagay ni Nonoy ng lipstick ni Coring sa kanyang salon. Napagkamalan niyang tumutulad ito sa kanya kaya niya pinagalitan at ginulpi. Nang malaman niya mula sa bata na kinokopya niya lang ang iginuhit na American Indian mula sa libro, nagbago ang kanyang isip at pinatahan ang bata. Sa tingin ko, dito nagkaroon ng matinding pagbalikwas: si Coring na nais kumawala sa stereotype  na panghuhusga sa mga bakla ang nagpapakulong na rin sa ideyang ito.

Ang mga Ibong Nakakulong: Si Coring at si Nonoy

kuha mula sa

kuha mula sa pinoyexchange.com

Sa bandang huli, nang magpakita na rin si Mariana, ang tunay niyang ina, nasubok ang pagiging mag-ina/mag-ama nina Coring at Ninoy. Nagdesisyon si Coring na ibalik na lamang sa kanyang tunay na magulang ang bata. Naging mabigat ang pakiramdam ng mga eksena: nakatuon na lamang sa pag-aalaga ng mga hayop tulad ng pagong at ibon si Nonoy habang nasa piling ng tunay na ina. Bumalik na rin sa pagpapakabakla si Coring, simula nang mabuko siya ng bata. Napansin ko sa huli ang laging dala ni Nonoy na lovebirds. Ito na lamang siguro ang paalala at simbolo ng kanilang pagiging pamilya: ikinulong man ng pagkakataon, nananatili pa rin sila sa piling ng isa’t isa. Hindi magiging hadlang ang agwat na ginagawa ng pagbabago ng kapalaran, at walang panghuhusgang makapipigil sa kanilang pagsasama.

Madaling intindihin ang kuwento sa kabuuan nito, subalit napakalaki ang ipinuhunan para sa karakter at ang malalang suliranin sa likod ng magagandang eksena. Kung may mabuting naidulot ang pagkabakla, iyon ay magkaroon ng katatagan ng isang ama at kalambutan ng isang ina, na maaari rin naman palang ipagsama sa isa. At hindi rin lingid sa kaalaman natin ngayon (sa kabila ng pagpapalabas ng pelikulang ito higit tatlong dekada na ang nakararaan), parami na sila ng parami, at madalas, nahihigitan pa nila ang hindi kayang magawa ng ordinaryong mag-asawa: ang mapag-isa ang mga sirang tahanan.

kuha mula sa "Paper Dolls" (2006) ni Tomer Heymann

Kanya-kanyang Papel

Babala: Maraming beses uulit ang salitang ‘papel’ sa kabuuan ng post na ito, baka maumay ka. Mahalaga naman ang pag-uulit.

Kung minsan, hindi ko na talaga maiwasang suriin ang bawat diyalogo at/o eksena sa mga pelikula, lalo na kung napakalaki ng puhunan ng mga ito sa bigat ng nais iparating, kung meron bang catharsis pagkatapos manood, ‘yung tipong iiyak ka sa sulok o mapapatunganga ka sa tagal ng pagproseso ng realisasyon. Tulad ng napanood ko sa klase noong Huwebes, may malaking panghihinayang, higit sa paghanga at pagkatuwa, ang nadama ko sa kinasapitan ng mga “Paper Dolls” sa Israel. Heto sila, galing sa Wikipedia ang imahen:

kuha mula sa “Paper Dolls” (2006) ni Tomer Heymann

Kung saka-sakaling sasali sila sa Mr. & Ms. Science 2008 noong pangulo ako ng Science Club noong hayskul, sa kanila na ang parehong titulo ng Mr. at Ms., mga Best in Recycled Costume pa sila. Kung tutuusin, sa regular nilang pagtatanghal sa mga club sa Israel, hindi kaya nasisira ang mga kasuotan nila? Pang-ilang gawa na kaya nila ng costume ito? Dahil dito, akma lamang na tawagin silang “Paper Dolls”. Sana may kinalaman ang anekdota ko.

Tumutunghay sa buhay ng limang baklang OFWs na may kanya-kanyang hanapbuhay. Kung hindi caregiver (na hindi napaghahalataan tulad ni Jan), hairdresser (na pwede nang ladlad ang pananamit tulad ni Giorgio) ang ginagampanan nilang pangunahing papel sa Israel. At sa dinami-rami ng bansang maaaring hanapan ng trabaho, sa Israel pa sila napadpad. Oo, sapat ang sahod upang maipadala sa ating bansa, ngunit, gaya na lamang ng situwasyon noong isinasagawa ang pelikula (at kahit sa kasalukuyang lumalalang alitan sa Gaza Strip), mapanganib ang pagtawid at pagtaguyod ng kanilang mga pamumuhay. Bukod dito, etsapuwera ang tingin sa kanila ng mga Israeli: mga trabahador na maaaring mapaalis at makulong sa isang iglap lang, o mga kakatwang baklang tampulan ng panunuya (ano raw?).

Ibig sabihin, sa sandaling magpalit na sila ng anyo, may panibagong papel silang ginagampanan, kahit pa hindi ito buong tinatanggap ng mga nakahahalubilo nilang madla. Kailangan pang magbalatkayo pansamantala ng iba pagdating ng araw, at sa dilim na lamang nagpapalit ng kasuotan upang maging ganap ang kanilang pagiging Paper Doll. Sa ganitong paraan, napakapersonal na ng silbi ng ganitong pagpapalit-anyo: hindi lamang ito pinagkakakitaan, ito na rin ang kanilang sariling pamamaraan ng pagpapahayag ng kanilang pagkabakla. Sa kabila ng kanilang normal na buhay buong maghapon, nagagawa pa nilang maglagay ng panibagong patong ng papel, hindi para pagtakpan ang sarili, kundi para hubarin ang normal na identidad at maging kakaiba, upang umangat mula sa mga mapanghusgang manonood na nananatiling nakakulong sa pamantayan ng lipunan.

Kung sa diskurso ni Judith Butler (ay, biglang may teorya?) itinuturing na mahalaga ang performativity bilang katangian ng isang queer (bakla!), eh ano ngayon? Joke lang. Siguro mahalaga ring pansinin kung ano ang ibig sabihin ng performativity sa konteksto ng kabaklaan sa Filipinas / sa mga Filipino. Ayon sa kanya, ang performativity ang pabalik-balik na pag-uulit ng mga pamantayan, at hindi lamang isang matinding pag-iimbento (radical fabrication) ng kasarian. Malamang, hindi lamang one-time big time production extravaganza (!!!) ang pagtatanghal ng “Paper Dolls”. Tuwing gabi, inuulit nila ang ganitong pagtatanghal. Dahil pinag-uusapan na rin lang natin ang mga papel, maaaring tingnan natin ang mga pagtatanghal na ito bilang mga pagganap. Kumbaga, magpapatuloy ang pagganap ng papel ng isang bakla sa lipunan kung maaari nilang ulit-ulitin, kopyahin o sipiin (parang sa Senado lang) ang kaganapan ng kanilang pagkabakla. Tulad ng halimbawa sa baba, – mga binibiling paper dolls na madalas na may maliliit na kendi sa loob ng straw na pansabit na naging uso noong dekada ’80-’90 – maaaring mahanap sa iisang papel ang napakaraming pagganap. Kumbaga sa SM, we’ve got it all for you!

kuha mula sa auction ng 1986 Tropical Barbie Paper Doll Book, Four Dolls sa Ruby Lane.

Hindi ba maaaring gamiting panibagong pamantayan itong performativity bilang pagpapaganap sa mga bakla? Nakasalalay ang pagkabakla ngayon sa halaga, dami, o uri ng papel na kanilang ginagampanan. Halimbawa, sa isang iglap, nakulong si Jan matapos siyang ayawan ng kanyang amo. Ayon kasi sa pelikula, sa pamamagitan lamang ng pagkasisante, maaaring maging invalid ang visa ng mga manggagawang dayuhan sa Israel. Nawalan siya ng papel (pero sa totoo lang, nawalan siya ng papeles, damay ang kanyang visa). Sa kabuuan ng pelikula, dalawa ang ginagampanang kasarian ng ilan: lalaki sa umaga, babae/bakla/drag queen sa gabi. Paulit-ulit lamang silang nagpapapalit-palit ng papel. May iba pa silang papel na ginagampanan sa labas ng Israel, sa paglaon ng panahon. May mga papel silang kinailangang itapon, ibaon sa limot, o kailangang pakawalan upang magkamit muli ng panibagong papel. Patungo ang lahat ng mga ito sa sari-saring papel na kailangang gampanan ng isang bakla upang makarating sa kanyang kaganapan. Ito nga pala ang naging silbi ng matagal kong pagtunganga at pagpoproseso ng realisasyon matapos manood. Sana hindi ka pa sumusuko sa dami ng pagbanggit ng papel.

Lagpas sa kahalagahan ng papel, may sinasabi rin ang pagbansag nila sa sarili bilang mga manika. Ibig sabihin, hindi lamang bilang entertainer, bakla, o tao ang kanilang hinahabol na pagganap. Nais nilang maging manika: sila bilang bahagi ng kanilang malawak na imahinasyon. Nakatuon ngayon ang halagahan sa pagitan ng pagiging taong sumasailalim sa pamantayan, at sa pagiging di-taong nilalang na bumabanyuhay. Subalit, hindi sila humahantong sa pagiging mga manikang walang buhay: sila ang malayang nakapagpapasya kung paano nila susuotin o gagampanan ang papel. Naroon ang kanilang pagkatao at katauhan.

Nakalulungkot lamang isipin na may mga nasasadlak sa hangganan ng kanilang pagganap bilang bakla. Ipagpaumanhin kung naging sanggunian ko pa ang Wikipedia para sa impormasyong ito (mukhang tsismis tuloy), subalit lalong naging makabuluhan ang eksena matapos ang eksena sa baba. Binanggit ni Sally ang pagbabago ng edad nila ng amo niyang si Chaim habang umaakyat ng hagdan. Sabi niya, “Next year, you’ll be 90, I’ll be 40″. Sa pelikula, ito ang naging foreshadowing ng kamatayan ni Chaim. Ngunit sa labas ng pelikula, namatay rin kaagad si Sally nang makarating siya sa UAE, matapos bumalik sa Filipinas para sa kanyang nanay.

Eksena ng paghingi ng pahintulot ni Sally kay Chaim na makabalik siya ng Pilipinas, kuha mula sa “Paper Dolls” (2006) ni Tomer Heymann.

Sa huli, nais lamang itanghal ng pelikulang ito ang baklang may papel sa lipunan. Kahit anong papel pa ang tinitiis o kinalulugurang gampanan ng bakla, nagiging makabuluhan lamang ang mga ito kung patuloy na nagagampanan. Dito unti-unting natatapalan at nabibihisan ng mga bakla sa pamamagitan ng kanya-kanyang papel ang mundo, anumang pagpupunit ang dulot ng panghuhusga ng lipunan.

SANGGUNIAN:

Butler, Judith. “Critically Queer.” GLQ: A Journal of Lesbian and Gay Studies.Vol. 1, pp. 17-32, 1993. Print.

Paper Dolls. Dir. Tomer Heymann. Perf. Salvador Camatoy, Chiqui Diokno, Giorgio Diokno, Francisco P. Ortiz Jr., Toran “Jan” Jacob Libas. Strand Releasing, 2006. Film.

**Maaaring makita ang mga source links ng mga ginamit na larawan sa mga hyperlinks na matatagpuan sa talata bago ang mga ito.

Pagpapakilala

Matagal nang naglalaro sa isip ko kung para nga ba sa mga bakla ang bugtong ng sampayan. Hindi hari, hindi pari / nagdadamit nang sari-sari. Madaling ikawing ang katagang ‘drag’ sa ganitong konteksto — sila ang mga baklang nais manamit bilang babae at gamitin ang kakatwang ayos na ito upang makapang-aliw ng mga tao. Upang patungkulan ang mga puwersang patriyarkal na nais kumalaban dito, nariyan ang hari mula sa pamahalaan — sa kaso ng Pilipinas, ang monarkiya ng Espanya, at ang pari mula sa Simbahang Katoliko upang ipakita ang uri ng pagtatalaban sa pagitan nila at ng isang “nagdadamit nang sari-sari”, na para bang walang makapipigil sa kapangyarihang paramihin ang panlabas na anyo ng sarili. Nariyan ang permutasyon ng lahat ng mga damit na maaari niyang suotin, nakabilad, walang itinatago, basang-basa, naghihintay na lamang hanguin upang plantsahin o ayusin.

Subalit, ipinapahayag din ng bugtong ang panlabas ding kaartehan ng mga taong nasa kapangyarihan. Totoo nga namang sari-sari rin ang isinusuot ng mga hari at pari upang ipangalandakan ang kanilang kapangyarihang bilhin at angkinin ang kanilang mga damit. Subalit sa pamamagitan ng sampayan, naipakikilala ang panibagong kapangyarihang tumutumbas sa dalawang nabanggit. Sa isang banda, walang kapangyarihan ang mga pinunong nabanggit upang kunin na lamang ang anumang basa pa (pinatutuyo) sa sampayan — anumang gawin . Bukod pa rito, sa kabila ng manipis ngunit maigting na anyo ng sampayan, wari higit sa isang katawan ang  suot nito. Ilan lamang ito sa mga patunay na maaaring katawanin ng sampayan ang metapora ng homosexual, na kung hindi kinakalaban ang mga pamantayang patriyarkal, ay nakikisabit lamang sa lipunan upang kilalanin at galangin.

larawan mula sa pxleyes.com

Sa konteksto ng Pilipinas, higit na lumalalim ang kahulugan ng bugtong sa kontemporanyong panahon. Bumitiw na sa wakas ang mahigpit na hawak ng  kapangyarihan ng Kanluran, at may kalayaan na ang mga Filipino upang pamunuan at magpasya upang hubugin ang sarili. Sa ganitong paraan, isa ring pansariling pagdurugtong at pagpapaigting ang nais kong gawin sa mga susunod na isusulat ko tungkol sa mga bakla upang mapahalagahan ang pribilehiyo at pagkakataong ipahayag ang ganitong mga isyung mahigpit na ipinagbabawal pag-usapan noon.

Huling tala: hindi ko pakay na manatili lamang itong blog bilang kahingian para sa isang asignatura. Lagi’t lagi, nais kong lumampas sa kung ano ang hinihingi sa akin ng pag-aaral sa kolehiyo. Sa kaso ng pagiging minor ko sa Panitikang Filipino, patuloy pa rin akong nagrerebisa ng mga panghuli at malalaking papel na aking isinulat para sa iba’t ibang elective ko, kaya naman, sa huli, maaari kong tipunin ang lahat ng mga susunod pang mga talang aking gagawin upang makabuo ng koleksyon ng mga sanaysay, na siyang sumisipat sa kasalukuyang estado ng pelikulang bakla sa Filipinas.